Nilinaw ng Office of Parliament Speaker Mohammad S. Yacob na ang mga legislative measures na ipinapasa sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ay resulta ng kolektibong proseso at hindi ng iisang indibidwal lamang.

Ayon sa pahayag ng kanyang opisina, ang bawat panukalang batas ay dumadaan sa masusing committee deliberations, public consultations, at plenary debates kung saan aktibong nakikibahagi ang mga miyembro ng Parliament mula sa iba’t ibang sektor.

Giit pa nito, ang pag-apruba ng mga batas ay ginagawa sa pamamagitan ng majority vote, kaya’t hindi maaaring iugnay sa isang tao lamang, kabilang ang Speaker, ang mga naging resulta ng legislative actions tulad ng isyu sa “None of the Above” (NOTA), amendments sa Bangsamoro Electoral Code, at Parliamentary Districting Law.

Nilinaw rin ng opisina na ang pirma ng Speaker sa bawat batas ay bahagi ng pormal o ministerial na proseso at hindi nangangahulugang personal na desisyon sa nilalaman ng mga ito.

Dagdag pa ng pahayag, ang pagiging maingat at hindi palaban sa ilang sitwasyon ay hindi dapat ituring na kahinaan kundi bahagi ng pag-iingat at pagsunod sa demokratikong proseso, kabilang ang respeto sa due process at institusyon.

Nanawagan din ang tanggapan sa lahat ng stakeholders na iwasan ang mga alegasyong walang matibay na batayan at sa halip ay itaguyod ang respeto, dayalogo, at pagkakaisa sa loob ng Parliament.

Ayon pa sa opisina, patuloy nilang tutuparin ang kanilang mandato sa natitirang panahon ng transition para sa kapakanan ng Bangsamoro.