Kusang sumuko at itinurnover sa Kabacan Municipal Police Station ang isang sundalo na itinuturong suspek sa pamamaril sa Barangay Lower Paatan, Kabacan, Cotabato noong Oktubre 21, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas na Virgilio, na sumuko ngayong araw ng Oktubre 24 matapos ang tatlong araw na pursuit operations ng 90th Infantry Battalion, katuwang ang pulisya at mga lokal na awtoridad.

Ayon sa 6th Infantry Division, iniutos ni 6ID at Joint Task Force Central Commander BGen. Edgar L. Catu ang agarang turnover ng suspek sa pulisya para sa kaukulang legal na proseso.

Kasabay ng turnover sa punong tanggapan ng 90IB, isinuko rin ang isang caliber pistol na umano’y ginamit sa insidente. Ipinaalam din kay Virgilio ang kanyang mga karapatan, kabilang ang karapatang manahimik at magkaroon ng abogado, bago siya inilagay sa kustodiya ng pulisya.

Binigyang-diin ni BGen. Catu na dapat managot sa batas ang sinumang mapatunayang lumabag dito, anuman ang ranggo o posisyon, alinsunod sa due process.