Lalo pang lumakas ang Typhoon #UwanPH, na inaasahang magla-landfall sa pagitan ng Aurora at Isabela sa Linggo ng gabi.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 985 kilometro silangan ng Eastern Visayas, taglay ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 130 kilometro kada oras at bugso na hanggang 160 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Dahil dito, itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 hanggang No. 2 sa ilang bahagi ng bansa.
Inaasahang mas lalakas pa ang Bagyong Uwan at posibleng umabot sa super typhoon category mamayang gabi o bukas ng umaga.
Sa Miyerkules, inaasahan namang lalabas na ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Samantala, ang BARMM Region ay makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog bunsod ng Bagyong Uwan.
Mag-ingat sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa lalo na sa mga mababang lugar at bulubunduking bahagi ng rehiyon.

















