Arestado ang isang lalaki sa bisa ng warrant of arrest sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Purok Bulibud, Barangay Poblacion 7, Cotabato City noong Marso 22, 2025, dakong alas-11:00 ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Adan Ali Ampuan, 35 anyos, may asawa, at residente ng nasabing lugar. Siya ay dinakip ng pinagsanib na puwersa ng TRACKER team ng Police Station 1, katuwang ang PIU at MDN PPO, sa pangunguna ni PCapt. Rustan P. Deaño sa ilalim ng superbisyon ni PLtCol. Jeff Richard Manogura.
Si Ampuan ay inaresto sa bisa ng warrant na inilabas ni Hon. Kasan Kusain Abdulrakman, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Twelfth Judicial Region, Branch 14, Cotabato City, noong Pebrero 21, 2025. Ang nasabing warrant ay kaugnay ng paglabag sa Section 5 (A) ng Republic Act 9262 o batas na may kinalaman sa “Lascivious Conduct” na may kaugnayan sa RA 7610. Itinakda ang piyansa sa halagang Php 2,000.00.
Ayon sa ulat ng pulisya, maayos na isinagawa ang pag-aresto kay Ampuan kung saan ipinaliwanag sa kanya ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine at Anti-Torture Act sa wikang kanyang nauunawaan. Siya ay kasalukuyang nakakulong sa Police Station 1 para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Ang warrant of arrest ay isusumite rin sa korte para sa kaukulang pagproseso.
Patuloy ang pinaigting na operasyon ng Cotabato City Police Office sa ilalim ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.