Nahuli sa aktong pagnanakaw ang isang lalaki bandang alas-11:50 ng umaga ng Enero 9, 2026 sa loob ng isang tahanan sa Purok 6, Brgy. Kilada, Matalam. Ang suspek ay kinilalang si alyas “Joeff” na umano’y nagnakaw ng isang cellphone at isang maliit na pouch na naglalaman ng mga ID at salaping cash.

Nakatakas muna ang suspek matapos mapansin ng biktima ang insidente, ngunit agad humingi ng tulong ang complainant sa mga tauhan ng Matalam Municipal Police Station na nagsasagawa ng mobile patrol. Sa pamamagitan ng isang hot pursuit operation, naaresto ang suspek bandang alas-12:30 ng tanghali sa Purok Tagumpay 1, Brgy. Marbel, Matalam, sa parehong araw.

Sa isinagawang procedural body search, narekober mula sa direktang pagmamay-ari ng suspek ang isang Infinix Android cellphone, isang itim na maliit na pouch na naglalaman ng ₱2,050 cash at mga identification cards, at isang pulang Mentos candy container na may lamang isang maliit na heat-sealed plastic sachet na hinihinalang shabu (tinatayang 0.40 gramo, halagang ₱2,720), isang asul na lighter, dalawang improvised needles, at isang maliit na piraso ng aluminum foil.

Ang lahat ng nakuhang ebidensya ay minarkahan at inimbentaryo sa lugar ng pagkakaaresto sa presensya ng mga iniimbitahang saksi, kabilang ang isang opisyal ng barangay, kinatawan ng media, at ang suspek, alinsunod sa itinakda ng batas.

Ayon sa Matalam MPS, ang operasyon ay bahagi ng Intensified campaign against criminality sa ilalim ng Intensified Unified Anti-Criminality Program (IUACP) ng PNP, na pinamumunuan ni Police Lieutenant Colonel Arniel C. Melocotones, at layong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

Kasulukuyan na ang suspek sa kustodiya ng Matalam MPS habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya. Pinapaalalahanan ng PNP ang publiko na makipagtulungan at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa komunidad.