Pormal nang nagsampa ng kasong paglabag sa Article 248 o Murder ng Revised Penal Code ang Cotabato City Police Office (CCPO) kaugnay ng pamamaril na naganap noong Hunyo 30, 2026, sa kahabaan ng TV Juliano Street, Mother Barangay Rosary Heights, Cotabato City.

Ang biktima ay kinilalang si Sandy Boy Blah Odin, na kilala rin bilang “Baste Masukat,” 39-anyos at residente ng Mother Barangay Rosary Heights 10 sa lungsod.

Ayon sa CCPO, bunga ng masusing imbestigasyon na isinagawa ng Police Station 2, nakalikom ang mga awtoridad ng sapat na ebidensya upang maisampa ang kasong murder laban sa suspek. Pormal na inihain ang reklamo sa Office of the City Prosecutor ng Cotabato City noong Hulyo 6, 2026, at naitala sa ilalim ng docket number na NVI-10-INV-2026-G-04893.

Patuloy naman ang follow-up operations ng pulisya para sa agarang pag-aresto sa pangunahing suspek at sa umano’y kasabwat nito.

Iginiit ng CCPO na nananatili itong nakatuon sa pagsasagawa ng patas, walang kinikilingan, at nakabatay sa ebidensyang imbestigasyon upang matiyak na mapanagot ang mga responsable sa krimen.

Tiniyak din ng tanggapan na patuloy itong makikipag-ugnayan sa prosekusyon at iba pang kaukulang ahensya upang matiyak na maayos na uusad ang kaso alinsunod sa umiiral na batas.