Arestado na ang 60-anyos na lalaking itinuturong suspek sa viral na tangkang pang-aabuso sa isang menor de edad sa loob ng isang lodging house sa Kabacan, Cotabato.

Nahuli ang suspek sa isinagawang operasyon ng Kabacan Municipal Police Station sa Barangay Katidtuan. Sa kanyang pagkakaaresto, nakumpiska ang isang hindi lisensiyadong caliber .38 revolver, anim na bala, at isang pakete ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Kabacan PNP Chief PLTCOL April Lou Palma, napansin ng mga residente ang suspek na palakad-lakad sa lugar habang may nakausling baril. Nang beripikahin ng mga awtoridad ang kanyang pagkakakilanlan, nakumpirmang siya ang lalaking sangkot sa insidenteng naganap noong nakaraang Biyernes.

Batay sa imbestigasyon, nilapitan umano ng suspek ang batang biktima na pauwi mula sa paaralan at hinikayat itong tumulong sa pagbubuhat ng mga gamit papasok sa isang lodging house. Nakapasok ang suspek matapos umanong magpakilalang ama ng bata sa bantay ng establisyemento.

Nakaligtas ang biktima dahil sa kanyang maagap na pag-iisip at mabilis na pagtakas nang mapansin ang umano’y masamang balak ng suspek.

Matatandaang nag-alok si Kabacan Mayor Evangeline Pascua-Guzman ng P100,000 pabuya para sa ikadarakip ng suspek.

Bukod sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, inaasahan ding sasampahan ang suspek ng hiwalay na kasong may kaugnayan sa tangkang pang-aabuso sa menor de edad.