Humupa na nitong mga nakaraang araw ang tensyon sa Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur, habang nagpapatuloy ang pagsisikap ng mga kinauukulan na maresolba ang sigalot sa pagitan ng isang grupo ng MILF at ng hindi pa nakikilalang armadong grupo.
Ayon kay Lieutenant Colonel Ronald E. Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, wala pang abiso na maaari nang bumalik sa kanilang mga komunidad ang mga bakwit na naapektuhan ng kaguluhan.
Hinihintay pa ang anunsyo ng CCCH at Joint Peace and Security Team o JPST kaugnay ng kaligtasan ng mga lugar at posibleng pagbabalik ng mga lumikas na residente.
Batay sa impormasyong natanggap ni Suscano, nagsimula pa noong 2024 ang sigalot na iniuugnay sa pagkawala ng mga baka na pag-aari umano ng isang grupo ng MILF, na pinaghihinalaang ninakaw ng kabilang armadong grupo.
Gayunman, hindi pa umano nareresolba ang naturang reklamo, na iniuugnay sa paulit-ulit na palitan ng putok ng magkabilang panig.
Binigyang-diin ni Suscano ang papel ng lokal na pamahalaan, katuwang ang CCCH at JPST, sa pag-uusap at paghahanap ng mapayapang solusyon sa sigalot.
Umaasa ang opisyal na tuluyan nang maresolba ang alitan, matigil ang bakbakan at makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga sibilyang naapektuhan ng kaguluhan.

















