Kasunod sa paglaganap ng sakit na Tigdas o Measles sa mga kabataang Bangsamoro, prayoridad ng Ministry of Health- BARMM sa pangunguna ni Health Minister MP Doctor Jojo Sinoliding ang pagbabakuna ng mga hindi pa bakunadong bata laban sa nasabing sakit.
Sa naging Kapihan sa Bagong Pilipinas kahapon na kung saan naging panauhin ang ministro, sinabi nito na noon pang mga nakaraang buwan nagkaroon ng deklarasyon sa rehiyon ng tinatawag na Health Outbreak dahil sa dumaraming kabataan na tinatamaan ng tigdas.
Bilang tugon naman sa naturang outbreak declaration ng MOH BARMM, pinagana nito ang lahat ng mga emergency operation centers sa lahat ng Rural Health Units o RHU’s at nagsagawa ng malakihan at pangkalahatang Measles Outbreak Response Immunization o ang tinatawag na MORI.
Mahigit kumulang namang 1.2 na milyon ng mga tinatawag na eligible children o 88.49 na porsyento sa kabuuan ng batang populasyon ang nakabenepisyo sa programa na ito ng MOH.
Sa tala ng MOH-BARMM, aabot sa 1,212,888 na kabataan ang nabakunahan at nakatanggap na ng bakuna laban sa nakamamatay na Tigdas.