Sugatan ang isang 52-anyos na tindero matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Lillia Periña Street, Purok 9, Barangay Rosary Heights 11, Cotabato City, bandang alas-5:30 ng umaga ngayong Miyerkules, Oktubre 14.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Sally Saliguidan Datukali, residente ng naturang lugar, na nagtamo ng tama ng bala sa kanang balakang at kaliwang kamay.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakatayo sa labas ng kanyang tindahan ang biktima nang lapitan at pagbabarilin ng mga suspek gamit ang hinihinalang kalibre .45 na baril.
Agad siyang isinugod sa Cotabato Regional and Medical Center o CRMC para sa pagpapagamot.
Batay sa kuha ng CCTV, tumakas ang mga suspek sakay ng pulang Honda Click na walang plaka, patungo sa direksiyon ng Greco Station.
Kinilala sa alyas na “Datu” ang isa sa mga suspek, habang hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng kanyang back rider.
Patuloy ang hot-pursuit operation ng Police Station 2 at City Mobile Force Company ng Cotabato City Police Office upang matukoy at madakip ang mga suspek.
Personal grudge o alitan ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa pamamaril.

















