Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaki na kabilang sa Top 10 Most Wanted Persons sa regional at provincial level sa operasyon sa Barangay Uyaan, Madamba, Lanao del Sur nitong Agosto 12, 2026.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas Abs, 33 anyos, magsasaka at residente ng Barangay Tuboc, Tamparan, Lanao del Sur.
Isinagawa ang pag-aresto dakong alas-3:40 ng hapon sa bisa ng warrant of arrest laban sa kanya dahil sa kasong Frustrated Murder, na may Criminal Case Number 9733-2024.
Ang warrant ay inilabas noong Hunyo 18, 2026 ni Hon. Wenida Balt Macugar Papandayan, Presiding Judge ng Branch 10, 12th Judicial Region, Regional Trial Court sa Marawi City, Lanao del Sur.
May inirekomendang piyansa na 200-libong piso para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Ayon sa pulisya, kabilang si Sarunay sa Rank Number 10 Regional Level Most Wanted Person ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at Rank Number 10 Provincial Level Most Wanted Person ng Lanao del Sur Police Provincial Office.
Isinagawa ang operasyon ng Tracker Team ng CIDG Lanao del Sur PFU bilang lead unit, katuwang ang Madamba MPS, 1403rd Regional Mobile Force Battalion, 1st PMFC, PSOG, PIT-LDSRIU15 at Lanao del Sur PPO.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang akusado sa CIDG Lanao del Sur PFU Office para sa dokumentasyon at kaukulang proseso bago iharap sa korte na naglabas ng warrant.

















