Sugatan ang isang traffic enforcer matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Purok Sarisa, Poblacion 1, Midsayap, Cotabato, dakong alas-10:00 ng umaga ngayong Martes, Agosto 4.
Kinilala ang biktima na si Julius Reberal Lajot, 43-anyos, binata, traffic enforcer, at residente ng Barangay Kiwanan, Midsayap.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Midsayap Municipal Police Station, nakatalaga umano ang biktima sa pagbabantay ng isang na-impound na motorsiklo nang lapitan siya ng isang hindi pa nakikilalang lalaki at paputukan ng isang beses.
Agad na isinugod si Lajot sa Dr. Anecito Pesante Memorial Hospital sa Poblacion 1 upang mabigyan ng agarang lunas.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sakay ng isang kulay asul na Kawasaki Baja at dumaan patungo sa irrigation road.
Patuloy naman ang isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan at maaresto ang suspek.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon sa insidente.

















