Tukoy na ng UBJP o ng United Bangsamoro Justice Party ang mga magiging kandidato nito sa darating na 2025 National, Local and First BARMM Parliamentary Elections.

Ito ay sinabi ni UBJP IO Engr. Mojahirin Ali sa ipinatawag nitong pulong balitaan kahapon. Inaasahan naman na isasapubliko ito ng partido sa Setyembre 28, ang araw ng kumbensyon ng partido.

Ayon kay Ali, isinasaayos na lamang ng MILF ang 40 nominees para sa UBJP Party Representatives maging district and sectoral representatives, congress representatives kabilang na ang mga pambato sa panlalawigan at pambayan na lebel.

Ang partidong UBJP ay magpapatakbo ng mga kandidato sa lungsod ng Cotabato, Maguindanao Sur at Norte, Lanao Sur, Basilan, Tawi-Tawi maging ang 8 na munisipalidad ng SGA-BARMM.

Sa kabilang dako, walang kaba at problema ang partido sa kanilang mga kandidato sa Basilan at Tawi-Tawi sapagkat ayon kay Ali, may malakas sila at mahusay na presensya kabilang na rin ang malakas na mga kaalyado.

Pinaiigting naman lalo ng UBJP at MILF ang kanilang paghahanda sa halalan upang mapagtagumpayan pa at mapabuti ang kanilang partisipasyon sa tinaguriang prosesong demokratiko sa bansa.