Nagdulot ng panibagong tensyon ang insidente ng umano’y indiscriminate firing habang isinasagawa ang kasunduang pangkapayapaan ng dalawang nag-aaway na pamilya sa Brgy. Lumbac, Buadiposo Buntong, Lanao del Sur, nitong Hulyo 2.
Batay sa ulat, dakong alas-12:45 ng tanghali nang maganap ang pamamaril habang pinamumunuan ng mga lokal na datu ang pag-uusap upang tuldukan ang matagal nang alitan ng dalawang pamilya sa lugar.
Ayon sa reklamo ni Barangay Chairman Salahadin J. Bubong, habang tinatalakay ang mga kondisyon ng settlement agreement, bigla umanong dumating ang kinilala na sa alyas “Kolong,” kasama ang ilang miyembro ng kanyang pamilya at umano’y walang habas na nagpaputok ng kanilang mga baril nang walang malinaw na dahilan.
Kinilala rin ng pulisya ang iba pang sangkot sa alyas na “Pai”, Kadir at Sohaib, na pawang residente ng Brgy. Ligue, Lumbatan, Lanao del Sur.
Agad namang nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng Buadiposo Buntong Municipal Police Station sa pangunguna ni PCPT Nur Basher C. Cayda upang tiyakin ang seguridad at magsagawa ng imbestigasyon.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya para sa case build-up at paghahain ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga naituturong suspek.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente, habang patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang sitwasyon upang maiwasan ang panibagong karahasan sa pagitan ng dalawang pamilya.
















