Inaasahang tataas pa ang kabuuang utang ng Pilipinas sa P21.48 trillion pagsapit ng katapusan ng 2027, batay sa mga dokumento ng Budget and Expenditures and Sources of Financing.
Mas mataas ito kumpara sa projected debt level na P19.76 trillion para sa 2026.
Samantala, umabot na sa P19.065 trillion ang utang ng national government noong katapusan ng Hunyo 2026.
Mas mataas ito ng P518.98 billion kumpara sa P18.546 trillion noong Mayo at P17.267 trillion noong Hunyo 2025.
Dahil dito, kasabay ng mabagal na economic growth na 2.3% sa unang kalahati ng 2026, umakyat sa 66% ng gross domestic product (GDP) ang debt-to-GDP ratio ng bansa.
Ito na ang pinakamataas na antas sa loob ng 22 taon, mula nang umabot ito sa 71.6% noong 2004.
Sa projected na P21.48-trillion na utang sa 2027, nasa P14.3 trillion ang manggagaling sa domestic borrowing, habang P7.2 trillion naman ang external debt.
Nakabatay ang projection sa assumption na ang palitan ng piso ay nasa P62 kada US dollar pagsapit ng katapusan ng 2027.
Samantala, inaasahang aabot sa P3.304 trillion ang gross borrowings ng national government sa susunod na taon.
Sa halagang ito, P2.389 trillion ang inaasahang manggagaling sa domestic sources at P914.982 billion naman sa foreign sources.
Kabilang sa planong domestic borrowing ang P2.329 trillion mula sa fixed-rate Treasury bonds at P60 billion mula sa Treasury bills.

















