Pansamantalang walang face-to-face classes sa lahat ng antas sa Cotabato City mula Setyembre 21 hanggang 26, 2026.

Ayon kay Cotabato City Mayor Bruce Dela Cruz Matabalao, isinagawa ang desisyon matapos ang online consultation sa mga magulang kung saan umabot sa 60,414 ang mga naging tugon.

Sa naturang bilang, 63% o 37,455 ang pumabor sa asynchronous learning gamit ang modules o learning activity sheets, habang 27% o 16,385 ang pumili ng face-to-face classes at 10% o 6,574 naman ang pabor sa online classes.

Ayon sa alkalde, isinasaalang-alang din sa desisyon ang mga concern ng mga magulang, kabilang ang kanilang trabaho, access ng mga estudyante sa gadgets at stable internet connection, gayundin ang security arrangements at preparedness ng bawat paaralan.

Nakipag-ugnayan din umano ang city government kay Cotabato City Police Office Director Police Colonel Jibin M. Bongcayao at Schools Division Superintendent Dr. Johnny G. Balawag bago ipatupad ang temporary learning arrangement.

Sa ilalim ng bagong setup, gagamit muna ng online at asynchronous learning arrangements, kabilang ang modules at learning activity sheets. Wala rin munang examinations sa naturang panahon.

Binigyang-diin naman ni Mayor Matabalao na wala silang natatanggap na verified specific threat laban sa anumang paaralan sa lungsod at ang suspensyon ng face-to-face classes ay isang precautionary measure.

Gagamitin umano ang isang linggong ito para magsagawa ng school security assessments at palakasin ang safety measures bago muling ibalik ang mga estudyante sa kanilang mga classroom.