Patuloy ang isinasagawang water quality monitoring ng City Health Office sa iba’t ibang barangay sa lungsod mula Abril 27 hanggang ngayong araw Abril 30, 2026, bilang bahagi ng kampanya upang matiyak ang kaligtasan ng inuming tubig ng mga residente.

Ayon sa tanggapan, ang mga sanitation inspector ay nagsasagawa ng pagsusuri sa mga piling kabahayan upang matiyak na ang suplay ng tubig ay sumusunod sa itinakdang pamantayan ng Philippine National Standards for Drinking Water. Layunin nitong maiwasan ang mga sakit na dulot ng maruming tubig at mapanatili ang kalusugan ng bawat pamilya sa lungsod.

Bahagi rin ang inisyatibong ito ng pagsuporta sa Sustainable Development Goal No. 6 na naglalayong masiguro ang sapat at malinis na tubig para sa lahat.

Patuloy namang hinihikayat ng City Health Office ang kooperasyon ng publiko upang maging matagumpay ang programa at mapanatili ang kalinisan at kaligtasan ng suplay ng tubig sa buong Cotabato City.