Gagawin ang lahat upang matugis ang grupong may pakana ng pag-atake at gulo.

Ito ang sinabi ng pamunuan ng WestMinCom o Western Mindanao Command sa naganap na bakbakan sa Sumisip sa lalawigan ng Basilan na ikinasawi ng apat na sundalo at ikinasugat naman ng isang dosena nito.

Sa inilabas na pahayag ng WestMinCom, sinabi nito na lalansagin nila ang mga suspek na nasa likod ng nasabing engkwentro upang mapigilan ang mga maari pang maging banta sa buhay ng mga sundalo at mga mamamayan.

Paniniyak ng WestMinCom sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Gen Antonio Nafarette na sya ring Commander ng 6th ID at JTF Central na committed aniya ang militar sa pagprotekta sa mga mamamayan at sa mismong estado.

Nagpaabot naman ito ng tauspusong pakikiramay sa mga sundalong nasawi habang gumagampan lamang sa kanilang tungkulin para sa ligtas na kumunidad at dalangin din nito ang mabilisang paggaling ng mga kasamahang nasugatan sa nasabing engkwentro.

Kung maaalala, kamakalawa ng hapon ng binabaybay ng mga tropa ng 32nd IB ang Barangay lower Cabengbeng mula sa kanilang punong tanggapan sa Barangay Tumahubong sa Sumisip ng paputukan sila ng mga armadong indibidwal at napilitan din silang gumanti.

Naglabas naman kahapon ng statement ang MILF o Moro Islamic Liberation Front matapos silang madawit ng militar sa nasabing bakbakan.

Ayon sa MILF, walang koordinasyon ang pagpasok ng militar sa kanilang kumunidad pero nagpumilit ang mga ito kaya nauwi sa bakbakan na nagresulta ng pamamaslang sa mga nasabing sundalo.