Tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang umano ang dalawang itinuturing na high-value individuals, ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Rosary Heights 3, Cotabato City kahapon, Agosto 6, 2026.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-12:50 ng tanghali sa pangunguna ng PDEA Maguindanao del Norte Provincial Office, katuwang ang iba pang operating units ng PDEA, PNP, NICA BARMM at iba pang law enforcement units.

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Bai, 44-anyos, alyas Sam, 32-anyos at Jay, 36-anyos, na pawang mga residente ng Maguindanao del Norte.

Nakuha sa operasyon ang isang orange Chinese tea bag na naglalaman ng tinatayang 1,000 gramo o isang kilo ng hinihinalang shabu.

Ayon sa inisyal na ulat, umaabot sa tinatayang P6.8 milyon ang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga.

Nasamsam din mula sa mga suspek ang dalawang Android cellphone, isang BPI ATM card, mga identification card, mga dokumento kaugnay sa sasakyan, susi, deed of sale, at isang itim na minivan na may plakang MBK 2638.

Narekober din ang buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill na inilagay sa ibabaw ng 12 bundle ng photocopied paper bills.

Dinala na sa kustodiya ng mga awtoridad ang tatlong suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Inihahanda naman ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.