Nagbalik-loob sa pamahalaan ang labintatlong (13) miyembro ng isang lokal na armadong grupo sa Datu Piang, Maguindanao del Sur, sa tulong ng mga tropa ng militar.
Isinagawa ang kanilang pormal na pagsuko sa himpilan ng 38th Infantry Battalion sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Erwin E. Felongco, kung saan agad silang iniharap kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade.
Kasabay ng kanilang pagbabalik-loob, isinuko rin ng grupo ang iba’t ibang kagamitang pandigma, kabilang ang dalawang 81mm mortar, dalawang 60mm mortar, isang M79 grenade launcher, isang rocket-propelled grenade o RPG, isang 7.62mm sniper rifle, tatlong 9mm Uzi submachine guns, isang granada, at tatlong magasin.
Dumalo rin sa naturang aktibidad ang mga kinatawan ng Philippine National Police mula sa Sultan sa Barongis, pati na ang mga lokal na pamahalaan ng Sultan sa Barongis, Datu Salibo, Mamasapano, at Shariff Aguak. Nakiisa rin ang iba’t ibang ahensya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, kabilang ang MSSD, MPOS, at MILG.
Ayon sa mga nagbalik-loob, layunin nilang iwan ang armadong pakikibaka at magsimula ng mapayapang pamumuhay. Bilang bahagi ng kanilang reintegrasyon, nakatanggap sila ng paunang tulong at inirerekomenda sa MILG-TUGON Program ng pamahalaan.
Pinuri ni Brigadier General Catu ang pagtutulungan ng militar, pulisya, mga lokal na pamahalaan, at komunidad na naging susi sa matagumpay na pagsuko ng grupo. Aniya, patunay ito ng lakas ng pagkakaisa at kooperasyon sa pagsusulong ng kapayapaan sa lugar.
Nagpahayag din ng suporta si Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, at binigyang-diin na ang boluntaryong pagsuko ay nagpapakita ng hangarin ng komunidad na wakasan ang sigalot sa mapayapang paraan at palakasin ang tiwala sa pagitan ng mamamayan at pamahalaan.

















