Patay ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Campo, Paglat, Maguindanao del Sur ngayong hapon, Sept. 7 2026.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima sa alyas na Ebrahim, residente ng General Salipada K. Pendatun Municipality, at Marquez, residente ng Pandag Municipality.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Paglat Municipal Police Station, magkasakay ang mga biktima sa isang itim na Racal motorcycle at bumibiyahe patungong General Salipada K. Pendatun Municipality nang sundan sila ng dalawang suspek na sakay ng itim na Bajaj motorcycle.
Pagdating sa lugar ng insidente, pinaputukan umano ng mga suspek ang mga biktima gamit ang hindi pa matukoy na uri ng baril.
Tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima, habang agad namang tumakas ang mga suspek patungong GSKP Municipality.
Narekober sa crime scene ang isang itim na Racal motorcycle, apat na basyo ng bala na hindi pa matukoy ang kalibre, at isang brown wallet na naglalaman ng mga identification card.
Agad na nakipag-ugnayan ang Paglat MPS sa Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa pagproseso ng crime scene, habang nakipagkoordinasyon din sa mga tauhan ng AFP at kalapit na police stations para sa posibleng pagkakaaresto sa mga suspek.
Ipinagkatiwala na sa kanilang mga kaanak ang mga labi ng dalawang biktima para sa pagsasagawa ng Muslim burial rites.

















