Dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA), kabilang ang isang mataas na opisyal, ang napatay habang tatlong high-powered firearms ang nasamsam sa magkakahiwalay na engkwentro sa Bukidnon kahapon, June 21, 2026.

Ayon sa ulat ng 4th Infantry (Diamond) Division, isinagawa ang magkakasunod na operasyon ng mga tropa ng pamahalaan sa Sitio Tagiptip, Barangay Iba sa Cabanglasan at Sitio Nalumosan, Barangay Silae sa Malaybalay City bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa natitirang pwersa ng North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC).

Sa mga operasyong isinagawa dakong hatinggabi, naka-engkwentro ng 1st Special Forces Battalion ang mga tumatakas na NPA remnants na nagresulta sa pagkasawi ng isang miyembro na kinilalang si Edward Pantandon alyas “Wando.” Nakuha rin sa lugar ang isang M16 rifle.

Samantala, dakong 11:35 ng umaga, muling nakasagupa ng 8th Infantry Battalion ang parehong grupo, kung saan napatay si Romeo Manpinsahan alyas “Kakoy,” itinuturing na commanding officer ng Headquarters Force NEO sa ilalim ng NCMRC. Nasamsam din ang dalawang high-powered firearms, mga bala, at isang backpack.

Suportado ang operasyon ng iba’t ibang yunit ng 88th at 26th Infantry Battalion, 41st at 42nd Division Reconnaissance Companies, gayundin ang artillery units ng 4th at 7th Field Artillery Battalions at intelligence units ng 4ID.

Ayon kay Brigadier General Seigfred C. Tubalado, commander ng 403rd Brigade, patuloy na humihina ang kapasidad ng NCMRC dahil sa sunod-sunod na operasyon ng militar.

Samantala, binigyang-diin ni Major General Marion T. Angcao, commander ng 4ID, na ang tagumpay ng operasyon ay patunay ng tuloy-tuloy na kampanya ng pamahalaan upang mapanatili ang kapayapaan at hadlangan ang muling pag-usbong ng armadong insurhensiya sa rehiyon.

Aniya, layunin ng kanilang operasyon na tuluyang buwagin ang natitirang armadong grupo at ipagpatuloy ang pag-unlad ng mga komunidad sa Northern Mindanao sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon ng militar, LGU, at iba pang stakeholder.