Sugatan ang dalawang sundalo ng Philippine Army ang sugatan matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa bahagi ng Crossing Simuay Junction, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, nitong Martes ng hapon, Nobyembre 24, 2026.

Kinilala ang mga biktima na sina Alyas Boy, 25-anyos, at alyas Pvt. Jay-r, 29-anyos, kapwa nakatalaga sa 40th Infantry Battalion ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.

Batay sa paunang ulat ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, magkasakay ang dalawang sundalo sa isang Yamaha Aerox motorcycle at bumibiyahe mula North Cotabato patungong Cotabato City nang sundan umano ng dalawang lalaki na sakay ng itim na Honda Click motorcycle.

Pagdating sa pinangyarihan ng insidente dakong alas-2:50 ng hapon, bigla umanong pinaputukan ng isa sa mga suspek ang mga biktima gamit ang hinihinalang kalibre .45 na baril.

Kapwa nagtamo ng tama ng bala ang dalawang sundalo at agad na isinugod sa Cotabato Sanitarium and General Hospital para sa kaukulang gamutan.

Ayon pa sa pulisya, tumakas umano ang mga suspek patungong Cotabato City ngunit naabutan at naaresto sa isinagawang hot pursuit operation.

Nasa kustodiya na ng Sultan Kudarat Municipal Police Station ang mga naarestong suspek habang hinihintay ang kaukulang imbestigasyon at disposisyon sa kaso.

Patuloy pang inaalam ang motibo sa pamamaril.