Naaresto ng mga awtoridad ang isang high-value wanted person na umano’y sangkot sa pag-ambush sa mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 12 (RMFB 12) sa Lambayong, Sultan Kudarat.

Kinilala ang suspek na si alyas Ogie, 19 anyos, residente ng Barangay Mao, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur, na kabilang sa Top 7 Most Wanted Person sa regional level ng Police Regional Office 12.

Isinagawa ang pag-aresto dakong alas-4:40 ng hapon kahapon Agosto 18, 2026 sa Barangay Poblacion, Ampatuan, Maguindanao del Sur, sa magkasanib na operasyon ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office at RMFB 12.

Nahaharap si alyas Ogie sa dalawang bilang ng murder kaugnay ng Criminal Case Nos. 26-9288-LA at 26-9289-LA na inisyu ni Acting Presiding Judge Felix Factor Mesa ng Branch 20, Tacurong City, Sultan Kudarat.

May kaugnayan ang mga kaso sa pag-ambush sa dalawang tauhan ng RMFB 12 sa Barangay Tinumigues, Lambayong, Sultan Kudarat noong Hulyo 12, 2026.

Ayon sa police intelligence, si alyas Ogie umano ang nagsilbing facilitator sa naturang pag-atake. Patuloy namang tinutukoy at tinutugis ng mga awtoridad ang iba pang mga indibidwal na sinasabing sangkot sa insidente.

Batay pa sa impormasyon ng pulisya, iniuugnay rin si alyas Ogie sa grupo ni Marhom Ismael alyas “Marhom,” na sinasabing lider ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group.

Nauna nang napatay si Ismael sa pagpapatupad ng warrant of arrest, kasama si Halim Sansawi Usman, kung saan narekober umano ang mga PNP-issued firearms na pag-aari ng mga tauhan ng RMFB 12, at si Ali Hassan.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Ampatuan Municipal Police Station si Dalgan habang hinihintay ang commitment order at kaukulang pagdinig sa korte.