Tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang naaresto matapos makumpiskahan ng tinatayang P68,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay La Piedad, Isabela City, Basilan noong July 30.

Pinangunahan ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 9 o PDEA RO9 Isabela City Office, katuwang ang PDEA BARMM Basilan Provincial Office, Criminal Investigation and Detection Group Field Unit 9, 6th Special Forces Battalion, Isabela City Police Station, at 52nd Special Action Company ng Philippine National Police-Special Action Force.

Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na Fernando, 42-anyos na drayber; Archie, 43-anyos na walang trabaho; at Kaiser, 21-anyos na drayber mula sa Lamitan City, Basilan.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang 10 gramo ng hinihinalang shabu, kabilang ang buy-bust item at iba pang nakabalot sa mga heat-sealed plastic sachet. Ayon sa PDEA, tinatayang aabot sa P68,000 ang standard market value ng mga nasamsam na ilegal na droga.

Narekober din sa operasyon ang iba’t ibang drug paraphernalia, kabilang ang aluminum foil, gunting, improvised tooter, lighter, eyeglass pouch, at ang marked money na ginamit sa buy-bust operation.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa ilang probisyon ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, tiniyak ng PDEA RO9 na ipagpapatuloy nito ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies at sa komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko.