Pinangunahan ni MP Atty. Kitem Duque Kadatuan Jr., chair ng Committee on Finance, Budget, and Management, ang tatlong magkakahiwalay na joint committee meetings kamakalawa para sa mga hakbang na layong palakasin ang pamamahala sa Bangsamoro.

Tinalakay sa tri-committee meeting ng Committee on Finance, Budget, and Management, Committee on Local Government, at Committee on Amendments, Revision, and Codification of Laws ang Bill No. 431 na naglalayong palawakin ang mandato ng Special Geographic Area Development Authority upang mapalakas ang serbisyo at pamamahala sa Special Geographic Area.

Pinagtibay naman sa antas ng committee ng Committee on Local Government at Committee on Finance, Budget, and Management ang Bill No. 328 na naglalayong palitan ang pangalan ng Municipality of Datu Blah T. Sinsuat tungo sa West Upi, na isasailalim sa plebisito at may nakalaang pondo.

Samantala, inaprubahan din ng Committee on Finance, Budget, and Management at Committee on Public Works ang Bill No. 5 na naglalayong lumikha ng District Engineering Office sa Special Geographic Area upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagpaplano at implementasyon ng mga proyektong imprastruktura sa 63 barangay.

Ayon sa mga mambabatas, bahagi ang mga panukalang ito ng pagsisikap na mapalakas ang serbisyong pampubliko, mapunan ang kakulangan sa pamamahala, at maisulong ang pangmatagalang kaunlaran sa Bangsamoro.