Nasawi ang isang 40-anyos na babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Barangay Bulalo, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, bandang alas-5:40 ng hapon kahapon June 3, 2026.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Sadia Talib Upam, hiwalay sa asawa, self-employed, at residente ng Barangay Macaguiling sa nasabing bayan.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, naglalakad umano ang biktima sa kahabaan ng kalsada malapit sa pampublikong pamilihan nang bigla itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin gamit ang hinihinalang maikling baril.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa natutukoy na direksyon.

Sa isinagawang pagproseso sa pinangyarihan ng krimen, nakarekober ang mga awtoridad ng isang basyo at isang deformed bullet na posibleng ginamit sa pamamaril.

Humingi na rin ng tulong ang Sultan Kudarat Municipal Police Station sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa mas masusing pagsusuri sa lugar ng insidente.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon at hot pursuit operation upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa likod ng pamamaril.