Kusang-loob na nagbalik-loob sa pamahalaan ang labing-apat na dating miyembro ng mga violent extremist group, habang 41 na loose firearms naman ang isinuko sa isang seremonya na isinagawa sa Datu Piang, Maguindanao del Sur noong June 21.
Isinagawa ang turnover ceremony sa Headquarters ng 38th Infantry Battalion sa Sitio Landing Fish, Barangay Buayan, kung saan pormal na iniharap ang mga sumukong indibidwal at mga isinukong armas kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade.
Pinangunahan ni Lieutenant Colonel Erwin E. Felongco, Commanding Officer ng 38IB, ang aktibidad bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo at ilegal na pag-iingat ng mga armas sa Central Mindanao.
Dumalo rin sa programa ang mga kinatawan ng Maguindanao Provincial Police Office, mga lokal na opisyal ng Datu Piang, Ministry of Social Services and Development, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Datu Salibo, at Office of the Mayor ng Shariff Saydona Mustapha bilang suporta sa mga inisyatibang pangkapayapaan ng gobyerno.
Ayon kay BGen. Catu, ang desisyon ng mga dating miyembro ng armadong grupo na magbalik-loob sa pamahalaan ay nagpapakita ng kanilang hangarin na talikuran ang karahasan at magsimula ng panibagong yugto ng kanilang buhay. Aniya, mahalaga rin ang naging pakikiisa ng mga komunidad at lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng kapayapaan at paghikayat sa pagsuko ng mga armas.
Samantala, sinabi naman ni Major General Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na patuloy ang operasyon laban sa terorismo at paglaganap ng loose firearms bilang bahagi ng pagpapanatili ng seguridad sa Mindanao.
Nanawagan din ang opisyal sa mga nalalabing miyembro ng armadong grupo na samantalahin ang mga programang reintegrasyon ng pamahalaan at makiisa sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon. Hinikayat din nito ang publiko na suportahan ang Balik-Baril Program upang mabawasan ang mga armas na maaaring magamit sa mga krimen at iba pang mararahas na gawain.

















