Pormal nang sinimulan kahapon May 28, 2026 ang makulay na pagdiriwang ng 4th Iranun Peace Festival 2026 sa Municipal Gymnasium ng Parang, Maguindanao del Norte, sa ilalim ng temang, “We are one, One Iranun, One Vision—Peace in Unity, Strength in Community.”

Ang naturang pagdiriwang ay nagsisilbing simbolo ng pagkakaisa ng mga bayan sa loob ng Iranun Corridor at patuloy na nagpapakita ng mayamang kultura, tradisyon, at makasaysayang pamana ng mga Iranun bilang mga magigiting na mandaragat sa kasaysayan ng Bangsamoro.

Ang Iranun Peace Festival, na unang inilunsad noong 2023, ay isang linggong selebrasyon sa lalawigan ng Maguindanao del Norte sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Layunin nitong pagtibayin ang pagkakaisa, kapayapaan, at kooperasyon sa e-governance sa iba’t ibang komunidad sa Iranun Corridor.

Binigyang-diin din sa pagdiriwang ang mahalagang papel ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa pagsusulong ng kapayapaan at pagkakaisa sa rehiyon. Sa pamumuno ni Secretary Mel Senen Sarmiento, patuloy na nagbibigay ang ahensya ng mga konsultasyon at programa upang labanan ang insurgency at pagkakahati-hati ng mga komunidad.

Buo rin ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Norte sa naturang pagdiriwang sa pangunguna nina Governor Datu Tucao O. Mastura, CPA, Vice Governor Datu Marshall I. Sinsuat, at Provincial Administrator Datu Sharifudin Tucao P. Mastura, CPA.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, patuloy nilang isusulong ang pangangalaga sa kulturang Iranun, pagpapalakas ng mga hakbang pangkapayapaan, at pagpapaunlad ng buong lalawigan. Bahagi rin umano ito ng DTOM agenda ni Governor Mastura na naglalayong maghatid ng kaunlaran at mas maraming oportunidad para sa mamamayan ng Maguindanao del Norte.

Naniniwala ang mga opisyal na ang pagdiriwang na ito ay magiging daan hindi lamang sa inklusibong pag-unlad ng Iranun Corridor kundi maging sa pangmatagalang kapayapaan sa buong Bangsamoro region.

Sa gitna ng iba’t ibang hamon, nananatiling matatag ang panawagan ng festival para sa pagkakaisa at kapayapaan, na nagpapaalala na bagama’t kayang sirain ng karahasan ang mga komunidad, mas makapangyarihan pa rin ang pagkakabuklod ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng iisang watawat.