Tumanggap ng tig-P60,000 na labor cost subsidy ang 57 internally displaced persons o IDPs sa Marawi City mula sa Bangsamoro Government sa ilalim ng Construction Materials Assistance Program.

Isinagawa ang pamamahagi kahapon, Hulyo 20 sa Marawi Rehabilitation Program Office sa Barangay Panggao Saduc upang makatulong sa gastos sa pagpapagawa ng kanilang mga bahay.

Dahil dito, umabot na sa 283 pamilya ang nakatanggap ng naturang tulong matapos makumpleto ang pagpapatayo ng kanilang mga bahay sa mga lugar na pinakaapektado ng Marawi siege noong 2017.

Ayon sa Marawi Rehabilitation Program, layunin ng subsidiya na mabawasan ang gastusin sa paggawa at matulungan ang mga pamilya na makapagpatayo ng mas matibay at ligtas na tahanan.

Sinabi ni MRP Supervising Head Engr. Abdulhanif Ondi na patuloy nilang binibisita at sinusuri ang mga bahay ng mga benepisyaryo bago piliin ang susunod na makatatanggap ng labor cost subsidy.

Nagpasalamat naman ang isa sa mga benepisyaryo sa Bangsamoro Government dahil malaking tulong umano ang programa upang makabalik sila sa kanilang mga tahanang nasira sa panahon ng bakbakan.

Kasabay nito, tumanggap din ang Marawi Rehabilitation Program ng aplikasyon para sa Provision of Educational Cash Assistance o PECA para sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 6, na sasailalim sa screening at beripikasyon bago aprubahan.