Pormal nang nagretiro sa serbisyo si Brigadier General Michael A. Santos, dating Commander ng 603rd Infantry Brigade, matapos ang halos 39 na taong paglilingkod sa Armed Forces of the Philippines o AFP.
Bilang pagkilala sa kanyang naging ambag sa serbisyo militar, nagsagawa ang 6th Infantry Division o Kampilan Division at Joint Task Force Central ng isang Testimonial Parade and Review sa Camp Siongco sa Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noong Hulyo 1.
Kasabay ng seremonya, pormal ding isinagawa ang turnover of command ng 603rd Infantry Brigade. Itinalaga ni 6th Infantry Division Commander Major General Jose Vladimir R. Cagara si Colonel Glenn Loreto T. Caballero bilang Acting Brigade Commander.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Brigadier General Santos sa mga sundalo, kasamahan, mga lider, katuwang na organisasyon, at higit sa lahat sa kanyang pamilya na naging sandigan niya sa buong panahon ng kanyang panunungkulan. Hinikayat din niya ang mga nakababatang sundalo na patuloy na pairalin ang propesyonalismo, disiplina, integridad, at dedikasyon sa serbisyo.
Samantala, pinuri naman ni Major General Cagara ang naging pamumuno at dedikasyon ni Santos sa hukbong sandatahan. Aniya, bagama’t nagwakas na ang kanyang karera sa militar, mananatili namang inspirasyon ang kanyang ipinakitang pamumuno at paglilingkod sa mga susunod na henerasyon ng mga sundalo.
Bilang pagkilala sa kanyang halos apat na dekadang serbisyo, iginawad kay Brigadier General Santos ang Distinguished Service Star at Plaque of Recognition para sa kanyang mahalagang ambag at tapat na paglilingkod sa Armed Forces of the Philippines.

















