Pito ang naiulat na nasawi mula sa isang armadong grupo kasunod ng naganap na engkuwentro sa Barangay Balong, Tugunan, Special Geographical Area o SGA-BARMM.

Wala namang naiulat na casualty sa panig ng government forces.

Nagsimula ang insidente nang magsagawa ng operasyon para ipatupad ang warrant of arrest laban sa isang indibidwal na nahaharap sa kasong carnapping with homicide.

Pinangunahan ang operasyon ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office o MDNPPO at Tugunan Municipal Police Station, katuwang ang mga yunit ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Air Force.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay LtCl. Ronald Suscano tagapagsalita ng 6ID, pinaputukan umano ng target at mga kasama nito ang mga operatiba habang papalapit ang mga ito sa kanilang kinaroroonan, na nauwi sa palitan ng putok.

Narekober naman sa lugar ang apat na M16 rifle, isang Garand rifle, mga empty magazine at iba pang war materials.

Samantala, umabot sa tinatayang 12,300 indibidwal ang lumikas patungo sa mga evacuation center bunsod ng insidente. Karamihan sa mga ito ay nakabalik na rin sa kanilang mga tahanan.

Sa ngayon, patuloy namang isinasagawa ng CCCH-AHJAG ang verification at dayalogo sa mga partidong sangkot upang matukoy ang pagkakakilanlan, pinagmulan at iba pang detalye hinggil sa armadong grupo. Dahil wala pa umanong malinaw na pagkakakilanlan sa grupo, tinutukoy muna ito bilang lawless armed group.

Sa kasalukuyan, wala nang naiulat na panibagong putukan at nananatiling tahimik ang lugar. Samantala, tiniyak ng mga awtoridad na kung may presensya man ng mga sundalo o pulis sa lugar, isinasagawa ang operasyon nang may pagsasaalang-alang sa kaligtasan ng mga sibilyan.