Pinaghahanap ngayon ng pulisya si Barangay Captain Thong Gayak ng Tamontaka 4, Cotabato City matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong may kinalaman sa iligal na droga sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa isang press conference, kinumpirma ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang operasyon ng pulisya upang ipatupad ang warrant kaninang umaga. Gayunman, bigo ang mga awtoridad na madatnan si Kapitan Gayak sa kanyang tirahan.
Nanawagan si Mayor Matabalao sa opisyal na harapin ang kaso at kusang sumuko upang malinawan ang isyu sa pamamagitan ng tamang proseso ng batas.