Nasunog ang tatlong bahay ngayong hapon ng Martes, October 21, 2025, sa Purok Tulungan 1, Rosary Heights 4, Cotabato City.
Sa panayam ng Star FM Cotabato kay Rosary Heights 4 Chairwoman Mojahida S. Omar o mas kilala bilang Kapitan Barakah, dalawa sa mga bahay ang tuluyang natupok habang isa naman ang bahagyang nasunog.
Batay sa paunang impormasyon, sinindihang egg tray umano ang pinagmulan ng apoy na agad kumalat sa mga katabing bahay. Agad na rumesponde ang mga bombero, barangay tanod, at mga residente upang apulahin ang apoy at maiwasan ang pagkalat nito sa iba pang kabahayan.
Samantala, personal na nagtungo si Kapitan Barakah sa lugar upang makipag-usap sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog. Nangako ang kapitan na magbibigay ng tig-₱20,000 tulong pinansyal sa limang pamilyang biktima habang patuloy din ang koordinasyon ng barangay sa lokal na pamahalaan para sa karagdagang ayuda.
Pansamantalang mananatili sa lumang barangay hall ng Rosary Heights 4 ang mga nasunugan habang inaasikaso ang kanilang matitirahan.