Binati ng tanggapan ni Special Assistant to the President Antonio F. Lagdameo, Jr. ang pagkakahalal kay Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament Member at Senior Minister Mohammad Yacob bilang bagong Speaker ng Bangsamoro Parliament noong Oktubre 21.
Ang pagkakahalal kay Yacob ay kasunod ng naging pagpanaw ni Parliament Speaker Atty. Pangalian Balindong kamakailan.
Ayon kay Lagdameo, ang pagkakahalal ni Yacob sa pagiging Parliament Speaker ay bunga ng walang kapagurang paggampan at pagsunod nito sa kanyang tungkulin kung kayat wala rin itong naging kalaban sa nasabing posisyon.
Si Yacob na unang itinalaga sa pagiging miyembro ng Parliamento noong 2019 at naitalagang muli noong 2022 ay isang Shariah Law Degree Holder mula sa International Islamic University sa bansang Kingdom of Saudi Arabia at nakatapos ng Doctor in Philosophy sa Cotabato State University.
Bago pa man maitalaga sa pagiging miyembro ng 80-led BTA Parliament, una nang naglingkod si Yacob bilang dating Executive Director ng MILF-led Bangsamoro Development Agency Inc. sa loob ng siyam na taon hanggang sa naitalaga bilang Senior Minister at Ministro ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Aquatic Resources o MAFAR BARMM hanggang sa kasalukuyan.
Inaasahan ni Lagdameo na sa ipinamalas na track record ni Speaker Yacob sa pagiging lingkod bayan ay maiaangat nitong muli ang antas ng lehislatura sa parliamento ng rehiyon sa pamamagitan ng makabuluhang mga diskusyon at talastasan sa plenaryo sa usapin ng mga panukala at batas sa BARMM.
Sa huli, pormal rin na binati ni Lagdameo ang buong Bangsamoro Transition Authority Parliament sa mahusay nito na pagpili ng lider na mamumuno sa kanilang kapulungan sa katauhan ni Yacob.