Nakatakdang isagawa ngayong Huwebes, Oktubre 30, ang pag-uulat ng Provincial Local Government Unit ng Maguindanao del Norte kaugnay sa mga nagawa nito sa unang isandaang araw ng panunungkulan ng mga halal na opisyal ng lalawigan.
Pangungunahan mismo ni Governor Datu Tucao Mastura ang naturang aktibidad, kung saan ilalatag ng gobernador ang mga proyekto, programa, at polisiya na ipinatupad ng kanyang administrasyon mula nang siya ay maupo sa puwesto.
Kasama rin sa ulat ang mga planong isusulong pa ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng temang “Development, Transformation, and Opportunity for the People of Maguindanao del Norte.”
Layunin ng aktibidad na ipabatid sa publiko ang kalagayan ng lalawigan, maging ang direksyong tatahakin ng pamahalaan sa mga susunod na buwan upang mapalakas ang imprastraktura, ekonomiya, at serbisyo publiko sa probinsya.

















