Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang labing-isang tripulante ng cargo vessel na ML Bahagia matapos masira ang bahagi ng barko at bahagyang lumubog sa karagatan, may 300 metro mula sa Santa Cruz, Cagayancillo, Palawan noong Nobyembre 26.

Nakatanggap ng ulat ang Coast Guard Sub-Station Cagayancillo bandang alas-sais ng gabi mula sa isang concerned citizen hinggil sa barkong sinasabing pinapasok ng tubig habang naglalayag malapit sa Dondonay Island.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng PCG, katuwang ang Philippine National Police sa Cagayancillo, upang isagawa ang search and rescue operation at tiyakin ang kaligtasan ng mga sakay ng barko.

Kinumpirma ng PCG na ligtas ang lahat ng labing-isang tripulante, kabilang ang kapitan ng barko, at walang naiulat na nasawi o nasugatan.

Batay sa paunang impormasyon, sumalpok umano ang barko sa isang bato sa ilalim ng dagat malapit sa Dondonay Island, dahilan upang masira ang kanang bahagi ng katawan nito at pasukin ng tubig-dagat.

Pagsapit ng alas-sais ng umaga noong Nobyembre 27, nagpapatuloy ang pag-aalis ng natitirang kargamento mula sa barko sa tulong ng mga tripulante at lokal na residente bilang paghahanda sa recovery operation.

Nakikipag-ugnayan naman ang Coast Guard District Palawan sa may-ari ng barko, iba pang cargo vessel operators at mga lokal na may-ari ng bangka upang makahanap ng angkop na sasakyang pandagat na maaaring gamitin sa paghila at pagbawi sa lumubog na barko.

Patuloy ding minomonitor ng PCG ang kondisyon ng barko at nagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang posibleng pagtagas ng langis at polusyon sa karagatan.

Nakatakda ring magsagawa ang PCG ng imbestigasyon at maritime safety inspection upang matukoy ang buong pangyayari at kung may nalabag na mga regulasyon sa kaligtasan sa paglalayag.