Pinarangalan ng Department of Education (DepEd) bilang “DepEd Hero” ang isang 14-anyos na estudyante ng Banga National High School sa bayan ng Banga, South Cotabato, dahil sa ipinakita niyang katapangan sa gitna ng pamamaril sa kanilang paaralan noong Setyembre 18, 2026.
Personal na iginawad ni Education Secretary Sonny Angara kay Bryan Ezel Pamonag ang DepEd Heroes Award noong Oktubre 12, 2026, sa Cainta Elementary School sa Cainta, Rizal, kasabay ng paglulunsad ng National School Safety Week.
Ayon sa mga ulat, kahit tinamaan ng bala ang kaniyang braso, hinarap ni Pamonag ang armadong suspek, isinara ang pinto ng silid-aralan at hinarangan ito ng mga bangko upang mapigilan ang suspek na makapasok.
Sinikap din niyang buksan ang mga bintana sa likuran ng silid-aralan upang makalabas at makatakas ang kaniyang mga kaklase.Nakatulong ang kaniyang matapang na pagkilos upang maprotektahan ang kaniyang mga kapwa estudyante sa gitna ng nakatatakot na insidente.
Sa kaniyang mensahe, nagpahayag ng pasasalamat si Pamonag sa kaniyang pamilya, mga kaibigan at sa Banga National High School, gayundin sa lahat ng tumulong sa kanila upang makabangon matapos ang trahedya.
Ang pagkilala kay Pamonag ay bahagi ng pagsisikap ng DepEd na itampok ang kahalagahan ng katapangan, kaligtasan at pangangalaga sa mga mag-aaral sa loob ng mga paaralan.

















