Patay ang isang security guard matapos pagbabarilin habang naka-duty sa bantay nitong establisyemento sa Jose Lim Extension, Barangay Poblacion 6, Cotabato City, pasado alas-5 ng hapon kahapon, Nobyembre 20.

Kinilala ang nasawi na si Marcial Tumbaga Pasukong Jr., nasa hustong gulang, kasal, at residente ng Nuro, Upi, Maguindanao Norte.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng CCPO-Station 1, tahimik umanong nakaupo sa kanyang puwesto ang biktima nang biglang lumapit ang suspek at agad na nagpaputok. Tatlong beses na tinamaan sa dibdib ang biktima bago tumakas ang gunman.

Agad pang isinugod sa Cotabato Regional and Medical Center si Pasukong ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.

Tinututukan ngayon ng pulisya ang anggulong love triangle bilang posibleng motibo sa krimen, batay sa mga impormasyong nakalap sa kanilang paunang pagsisiyasat.

Sa lugar ng insidente, nakarekober ang RFU-BAR ng isang basyo at isang tingga ng bala ng hindi pa natutukoy na kalibre ng baril.

Patuloy ding nangangalap ng CCTV footage ang mga imbestigador upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tumakas na suspek, habang nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng mga awtoridad.

Samantala, nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon ng CCPO Station 1 para sa pinal na motibo at pagkilala sa salarin.