May persons of interest na ang pulisya kaugnay sa brutal na pagpatay sa isang 21-anyos na graduating student ng Mindanao State University–Gensan matapos itong natagpuang duguan sa loob ng kanyang kwarto sa Purok DBP, Barangay Apopong, General Santos City,

Kinilala ang biktima bilang si Miyuki Kim, 21 taong gulang na residente ng nabanggit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, mag-isa lamang si Kim sa bahay matapos umalis ang kanyang ina at stepfather noong Linggo ng gabi upang dumalo sa isang handaan kung saan inasahan nilang susunod ang dalaga, ngunit hindi ito dumating.

Natagpuan si Kim na nakahandusay na sa gilid ng kama, duguan at may malalim na hiwa sa leeg.

Napansin din ng pulisya na nawawala ang pera sa loob ng silid, na maaaring isa sa motibo ng krimen.

Ikinagulat naman ng mga residente at kapitbahay nito ang kakaibang pangyayari noong gabi ng insidente.

Napansin umano ng mga ito ang maagang pagpaatay ng ilaw sa bahay, na hindi karaniwan, at narinig nila ang tahol ng aso, ngunit hindi ito binigyang-pansin.

Sa ngayon patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya at pagtitipon ng ebidensya upang matukoy ang responsable sa buong pangyayari at ang huling taong nakasalamuha ng biktima.