Lima ang kumpirmadong nasawi, kabilang ang isang notoryus na lider ng armadong grupo, matapos mauwi sa engkwentro ang isinagawang joint operation ng mga awtoridad sa Sitio Dima, Barangay Lower Paatan, Kabacan, North Cotabato, kaninang madaling-araw.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay PLt. James Warren Caang, tagapagsalita ng Cotabato Provincial Police Office,  bandang alas-5 ng umaga nang magsagawa ng pinagsanib na operasyon ang Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at Philippine Drug Enforcement Agency upang ipatupad ang isang warrant of arrest laban kay Ibrahim Macalnas, alyas “Commander Bigkog,” na may kasong murder at sa apat na indibidwal naman ang target ng search warrant kaugnay ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Habang isinasagawa ang paghahain ng mga warrant, nagpaputok umano ng baril ang target ng operasyon at ang kanyang mga kasamahan, dahilan upang mauwi ito sa palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.

Sa naganap na engkwentro, napatay si Commander Bigkog kasama sina Ismael o Esmael Luncayao, na sangkot umano sa hiwalay na insidente ng pamamaril, Datukan Macalnas, at dalawa pang indibidwal na hindi pa nakikilala. Iniuugnay rin ang grupo ni Commander Bigkog sa mga nagdaang pamamaril sa lugar, kabilang ang insidente dalawang linggo ang nakalipas kung saan binaril ang isang vendor ng malunggay hot pandesal matapos mapagkamalang asset ng kapulisan.

Sa bahagi ng search warrant, tatlo sa apat na target ang nakatakas habang isang babaeng suspek ang naaresto ng mga awtoridad.

Inilarawan ang Sitio Dima bilang isang “safe haven” ng grupo ni Commander Bigkog, kung saan umano nagtatago ang kanyang mga tauhan at pinoprotektahan ang mga sangkot sa iligal na droga.

Matagal nang gustong pasukin ng mga awtoridad ang lugar, ngunit nahaharap ang mga security forces sa matinding hamon at panganib sa kanilang operasyon, may mga pagkakataon na hindi nakakalabas ang mga pumapasok na operatiba dahil sa agresibong pananalakay ng grupo ni Commander Bigkog.

Bilang bahagi ng mga hakbang sa seguridad, naghain na ng rekomendasyon ang hepe ng Kabacan Police Station na magtayo ng police detachment sa lugar upang maiwasan ang muling pag-usbong ng mga iligal na aktibidad. Habang nanawagan naman si PLt. Caang sa mga residente ng Sitio Dima na makipagtulungan sa pamahalaan at iwasan ang pagsuporta sa mga iligal na gawain, sapagkat wala umano itong magandang maidudulot sa komunidad.