Sunod-sunod na nadiskubre ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army at Philippine National Police (PNP) ang mga arsenal sa bayan ng Labo matapos ang masinsinang operasyon mula Disyembre 16 hanggang 17, 2025.
Pinangunahan ng 16th Infantry Battalion at 42nd Infantry Battalion, katuwang ang Camarines Norte 2nd Provincial Mobile Force Company at 91st Special Action Company ng PNP, ang mga operasyon batay sa impormasyong ibinigay ng isang pribadong impormante.
Sa patuloy na paghahanap sa mga karatig-lugar, nakarekober ang mga tropa ng karagdagang armas kabilang ang 15 M16 rifles, isang M14 rifle, dalawang M635 rifles, isang shotgun, tatlong improvised explosive devices (IEDs), at iba pang kagamitan ng ilegal na armadong grupo. Sa kabuuan, umabot sa 45 matataas na kalibreng baril ang narekober sa magkakaugnay na operasyon.
Ayon sa mga awtoridad, pinatutunayan ng mga narekober na armas ang lawak ng mga taguan ng ilegal na armadong grupo at ang patuloy na determinasyon ng pamahalaan na alisin ang banta sa seguridad ng komunidad. Patuloy ang operasyon sa Labo at kalapit na lugar upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan, lalo na sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon.

















