Inilunsad ng Malacañang ang Seaweed Economic Assistance and Government Initiative for Tawi-Tawi o SEAGIFT, programang layong palakasin ang seaweed industry bilang pangunahing kabuhayan at instrumento ng kapayapaan sa lalawigan.
Pinangunahan ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr. ang ceremonial turnover noong Pebrero 4 sa Bongao Port, dala ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.Ayon kay Lagdameo, ang seaweed farming ay hindi lamang kabuhayan kundi bahagi ng estratehiya ng pamahalaan para sa pangmatagalang kaunlaran at katatagan sa mga island communities ng Bangsamoro.
Ang SEAGIFT ay convergence program ng BFAR, OPAPRU, at Pamahalaang Panlalawigan ng Tawi-Tawi, sa koordinasyon ng OSAP, upang tugunan ang kakulangan sa planting materials, pasilidad, financing, at market access ng mga seaweed farmer.
Ipatutupad ang Phase I mula 2024 hanggang 2026 na may P44 milyong pondo para sa production at capacity building, habang ang Phase II mula 2027 hanggang 2029 ay tututok sa processing at market integration.
Nagtapos ang aktibidad sa pamamahagi ng production inputs at livelihood assistance sa mga seaweed growers, bilang bahagi ng layuning gawing seaweed capital ng bansa ang Tawi-Tawi.

















