Naglabas ng pahayag si Cotabato City Vice Mayor Sultan Johair S. Madag kaugnay ng muling naranasang hindi inaasahang power interruption sa lungsod ngayong umaga.
Muling nakaranas ng unscheduled power interruption ang Cotabato City base sa abiso ng Cotabato Light and Power Company o CLPC.
Ayon sa CLPC, ang naturang aberya ay ibinatay sa advisory ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Ipinaliwanag na pinalawig hanggang alas-9:00 ng umaga ang restoration timeline upang maisagawa ang resagging, clipping at adjustment ng line conductors kasama ang kinakailangang switching operations.
Kinilala ni Vice Mayor Madag ang mga teknikal na hamon na kaakibat ng naturang pagkukumpuni sa linya ng kuryente.
Gayunman, kinondena niya ang umano’y kakulangan sa maagang paghahanda at contingency measures kaugnay ng mga naganap na power interruption.
Kinuwestiyon din ng bise alkalde ang estado ng mga generator facilities na dapat sana’y magsilbing pansalo o cushion laban sa epekto ng pagkawala ng suplay ng kuryente.
Itinaas din niya ang tanong kung bakit hindi umano ipinatupad ang power rotation upang mabawasan ang epekto nito sa mga kabahayan at mga pangunahing serbisyo.
Nanawagan si Vice Mayor Madag sa CLPC na maglatag ng malinaw na accountability measures kaugnay ng mga insidente ng power interruption.
Iginiit ng bise alkalde na nararapat lamang na makaranas ang mga Bangsamorong Cotabateño ng maaasahan, malinaw at may maayos na paghahandang serbisyo sa suplay ng kuryente.

















