Matagumpay na naisagawa ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) Department of Surgery ang Deep Brain Stimulation (DBS) surgical mission nitong Linggo. Ito ay bahagi ng pagpapalawak ng neurosurgical services sa Mindanao.

Ang operasyon ay para sa mga pasyenteng may malubha at hindi makontrol na movement disorders tulad ng Parkinson’s disease at Lubag (X-linked recessive dystonia), isang bihirang sakit na nakakaapekto sa galaw ng katawan. Nakapagsagawa na rin ng procedure ang isa indigent patient na kasalukuyang nagpapagaling sa CRMC.

Ang Deep Brain Stimulation ay isang pamamaraan kung saan nagtatanim ng electrodes sa piling bahagi ng utak upang i-regulate ang abnormal neural signals, na naglalayong mabawasan ang sintomas ng pasyente.

Isinagawa ang surgical mission sa kolaborasyon ng CRMC at ilang tertiary medical institutions sa bansa, kabilang ang Vicente Sotto Medical Memorial Center, Makati Medical Center, Philippine General Hospital, at Southern Philippines Medical Center. Binubuo ang DBS team ng mga neurosurgical at neurological specialists.

Bago sumailalim sa operasyon, ang mga pasyente ay dumadaan sa neurological evaluation, advanced imaging studies, at multidisciplinary assessment upang matukoy ang kanilang pagiging kwalipikado.

Ayon kay CRMC Chief of Hospital Dr. Ishmael Dimaren, bahagi ng layunin ng proyekto na mapalawak ang access ng mga pasyenteng indigent at underserved sa Mindanao sa ganitong uri ng medical procedure.