Iginiit ng pamunuan ng militar na nananatiling matatag at gumagana ang peace process sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa kabila ng serye ng armadong kaguluhan sa ilang lugar sa Bangsamoro Region.
Sa press conference ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, sinabi ni 6ID Commander Brigadier General Vladimir Cagara na walang direktang kaugnayan ang mga naitalang insidente sa umiiral na peace agreement sa pagitan ng dalawang panig.
Ayon kay Cagara, ang mga nangyayaring karahasan ay kadalasang nag-uugat sa personal na alitan o tinatawag na horizontal conflict sa pagitan ng mga indibidwal.
Dagdag pa ng opisyal, bagama’t may mga pagkakataong naiuugnay ang ilang sangkot sa isang organisasyon, hindi aniya nangangahulugan na ang mismong organisasyon ang responsable o nagkunsinti sa naturang kaguluhan.
Samantala, sinabi naman ni 601st Infantry Brigade Commander Brigadier General Edgar Catu na aktibo ang mga mekanismo ng peace process upang maresolba ang mga alitan sa komunidad.
Ipinaliwanag ni Catu na agad na kumikilos ang Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities o CCCH na binubuo ng mga kinatawan mula sa MILF, upang mapag-usapan at maresolba ang mga sigalot.
Binigyang-diin ng opisyal na patunay ng pagiging epektibo ng peace process ang patuloy na nararanasang tinatawag na “dividend of peace” sa rehiyon.
Giit pa ng militar, nananatiling buhay at matatag ang peace process sa pagitan ng pamahalaan at MILF.
















