Nasamsam ng mga tropa ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang 33 loose firearms sa magkakasunod na operasyon sa loob ng isang buwan sa kanilang nasasakupang lugar.
Ayon sa ulat ng militar, narekober ang mga naturang armas sa iba’t ibang operasyon laban sa mga armadong grupo at sa pinaigting na kampanya kontra iligal na baril.
Isinagawa ang mga operasyon sa ilang bahagi ng Maguindanao del Sur, North Cotabato, at sa Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kabilang sa mga nasamsam ang iba’t ibang uri ng matataas na kalibre ng baril na pinaniniwalaang ginagamit sa krimen at armadong alitan sa komunidad.
Sinabi ng militar na bahagi ito ng kanilang tuloy-tuloy na operasyon upang mabawasan ang pagkalat ng iligal na armas at mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Samantala, muling nanawagan ang militar sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon laban sa presensya ng mga armadong grupo at iligal na armas sa kanilang lugar.
















