Iniulat ng Iranian state television na si Mojtaba Khamenei, na kamakailan lamang ipinakilala bilang bagong Supreme Leader ng Iran, ay umano’y nasugatan habang nagpapatuloy ang digmaan sa bansa.

Ayon sa state media, tinawag siyang “janbaz,” isang terminong ginagamit para sa mga taong nasugatan sa pakikipaglaban sa kaaway sa tinatawag nilang “Ramadan war,” ang katawagan ng Iran sa kasalukuyang tensyon sa rehiyon. Gayunman, wala pang ibinibigay na detalye tungkol sa kanyang kalagayan.

Ang pag-anunsyo kay Mojtaba bilang bagong lider ay naganap matapos masawi ang kanyang ama na si Ali Khamenei at ang asawa nito sa isang joint military operation ng United States Armed Forces at Israel Defense Forces sa Tehran noong Pebrero 28, na sinasabing nagpasimula ng digmaan.

Mula nang magsimula ang labanan ay hindi pa muling nakita sa publiko si Mojtaba. Sinasabing mahusay siyang magsalita ng Ingles at nakapag-aral ng psychology at psychoanalysis, at may kaalaman din sa modernong teknolohiya, military science, seguridad, at pamamahala ng bansa.

Matagal nang itinuturing si Mojtaba bilang isang makapangyarihang ngunit tahimik na personalidad sa loob ng political at security establishment ng Iran, na may impluwensya sa mahahalagang desisyon ng pamahalaan.