‎Isang hakbang na lamang bago maging ganap na batas matapos aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives of the Philippine ang panukalang batas na magtatakda sa unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 2026.

‎Ang House Bill No. 8220, na naglalayong baguhin ang Republic Act No. 11054 o Bangsamoro Organic Law, ay inaprubahan kahapon, araw ng Martes sa plenary session ng Kamara sa botong 247 pabor, walang tumutol, at dalawang nag-abstain.

‎Hinihintay na lamang ngayon ang pirma ni Ferdinand Marcos Jr. upang tuluyan itong maging batas.

‎Kapag napirmahan, itatakda ang BARMM parliamentary elections sa ikalawang Lunes ng Setyembre 2026, at gagawin ito kada tatlong taon.

‎Sa panukala, mananatili rin ang Bangsamoro Transition Authority bilang pansamantalang gobyerno ng rehiyon habang nagpapatuloy ang transition period, maliban na lamang kung papalitan ng Pangulo ang mga miyembro nito o kung sila ay magbitiw sa puwesto.

‎Nakapaloob din sa panukala ang paggamit ng automated election system na ginamit noong 2025 Philippine national and local elections upang matiyak ang maayos at tapat na proseso ng halalan.

‎Samantala, sinabi ni Anton Lagdameo Jr. na isa sa mga prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Marcos ang pagsasagawa ng BARMM parliamentary elections.

‎Ayon kay Lagdameo, mahalagang hakbang ito sa pagtatapos ng political transition sa Bangsamoro dahil magkakaroon na ng elected parliament ang rehiyon.

‎Dagdag pa niya, magiging makasaysayang pangyayari ang unang parliamentary elections ng BARMM dahil pagkakataon ito para ang Bangsamoro mismo ang pumili ng kanilang mga lider at ipakita na matibay ang demokrasya sa rehiyon.

‎Nauna nang inaprubahan ng Senate of the Philippines ang kaparehong panukala na inakda ni Juan Miguel Zubiri upang ilipat sa Setyembre 2026 ang BARMM elections.