Kinuwestyon ni VM Johair Madag ang umano’y substandard na konstruksyon ng drainage project ng Ministry of Public Works o MPW-BARMM sa Cotabato City matapos umano nitong makita ang aktwal na kalagayan ng proyekto.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ng bise alkalde na dapat mas mahigpit na i-monitor ng Cotabato City government at MPW-BARMM ang mga proyekto upang matiyak na sumusunod ang mga contractor sa tamang plano at standard ng gobyerno.
Ipinunto ni Madag na tila hindi umano nasusunod ang nakasaad sa program of works ng proyekto kabilang na ang lalim ng drainage na ayon sa kanya ay nasa humigit-kumulang isa’t kalahating talampakan lamang.
Iginiit pa ng opisyal na kung lalagyan ng takip ang naturang drainage ay maaaring maging problema kung saan dadaloy ang tubig lalo na kapag may malakas na ulan.
Dahil dito, nanawagan si Madag sa pamunuan ng MPW-BARMM kabilang ang minister nito at maging sa Chief Minister ng BARMM na imbestigahan ang naturang proyekto.
Binigyang-diin ng bise alkalde na mahalagang mabusisi ang mga infrastructure project upang matiyak na hindi nasasayang ang pondo ng bayan at maiiwasan ang substandard na paggawa sa mga proyekto sa Cotabato City.

















